Wednesday, April 3, 2019

Hepe, 2 tauhan sibak sa Marilao, Bulacan


Sinibak sa puwesto ang hepe ng Marilao Police na si P/Lt. Col. Ricardo Pangan matapos masangkot sa pamumulitika ang dalawa nitong tauhan na nahuli sa aktong nag-eeskort ng lokal na kandidato sa Marilao, Bulacan habang papalapit ang midterm elections.

Ayon kay PNP-Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF) Chief Col. Romeo Caramat Jr. ang dalawang pulis na sina Patrolman Jed Ceril Sevilla at Corporal Gerlie Garcia; pawang nakatalaga sa Marilao Police Station (MPS) ay nahu­ling namumulitika at mahaharap sa kasong administratibo nang maaktuhan ng PNP-CITF operatives at PNP-Intelligence Group (PNP-IG) na nage-escort kay Ricardo Silvestre, mayoralty candidate ng Marilao.

Inihayag ni Caramat na si Silvestre ay nanga­ngampanya sa Nicanor V. Guillermo Convention Center noong Marso 29 at sa Bisita Heritage Home noong Marso 31 nang mamonitor at mahuli sa akto ang dalawang parak na nagsilbing escort nito.

Bunga nito, agad na ipinasibak ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde kay Police Regional Office (PRO) 3 Director Joel Napoleon Coronel si Pangan dahil sa command responsibility. “The violation was properly documented, photographed and video recorded,” anang opis­yal.

Nilinaw ni Caramat na bagaman nahuli sa akto sa dalawang magkasunod na pagkakataon ang dalawang pulis na nakisawsaw sa pulitika ay hindi sila inaresto pero pinagsabihang mahaharap sa kasong administratibo bunga ng insidente.

News (c) Pilipino Star Ngayon

No comments:

Post a Comment